Sa reklamo ni Manuel Torio, sheriff ng Sandiganbayan Office, nagtaray si Peña ng dumating ito sa courtroom ng Sandigan.
Si Peña ay nasa courtroom dahil kasalukuyan pa itong hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na siyang nangangalaga sa seguridad ng dating pangulo bago pa man ito natalaga bilang directorate for operations ng PNP kasabay ng pagkakasibak kay dating PNP Intelligence Group chief, Col. Reynaldo Berroya.
Papasok pa lamang umano ng courtroom ay sumigaw na si Peña na umanoy mainit ang ulo at hinahanap si Ed Urieta, head ng Sandiganbayan Sheriff Office.
"Asan si Urieta," pabulyaw na tanong umano ni Peña na sinagot ni Torio ng "Wala si chief anong kailangan nila?"
Labis umanong ikinagalit ni Peña ang sagot ni Torio at patanong rin itong sinagot ng heneral ng "Bakit sino ka ba? Si Urieta ka ba? Siya ang gusto kong makausap!"
Ayon kay Torio, "act of unbecoming of an officer and a gentleman" ang inasal ni Peña. Kung ang isang sheriff sa loob mismo ng Sandigan ay nagagawa umanong mabastos ni Peña ay lalo pa ang isang ordinaryong empleyado ng gobyerno kaya hindi anya ito dapat kunsintihin, wika pa ni Torio.
Ayon naman sa ilang insiders sa Camp Crame, dapat ay lawakan na lamang ang pang-unawa kay Peña dahil posibleng malaki ang epekto ng madalas na pag-iinit ng ulo nito dahil sa kanyang karamdaman kung saan sumasailalim umano ang opisyal sa "chemotherapy" para maagapan ang lumalalang sakit nitong kanser. (Ulat ni Joy Cantos)