Kasalukuyan nang kumikilos ang Strike Force Tawas para matunton ang mga salarin sa kabila na wala pa ring posibleng motibo sa pagpatay.
Sa report ng Agence France Presse, nag-iwan pa ng "racist message" ang mga suspek. Isinulat sa dugo ang pang-iinsulto na nagpapakita ng matinding galit sa mga Filipino.
Ang bangkay nina Ted Gonzales, 46, isang abogado; asawang si Mary Josephine Loiva, 43 at anak nilang si Claudine, 18, ay natagpuan ni Sef, ang 20-anyos na anak na lalaki ng mag-asawang Gonzales, makaraang umuwi ito sa kanilang tahanan sa middle class suburb North Ryde galing sa school.
Tadtad ng saksak sa katawan ang mga biktima at laslas pa ang mga leeg ng mag-inang Gonzales. Pinagnakawan din umano ang pamilya.
Ang mag-asawa ay natagpuan sa hallway habang ang anak na babae ay sa itaas na kuwarto. Ang mga Gonzales ay tubong Baguio City at nag-migrate sa Australia noong 1990s.
Sa Pilipinas, nakikipag-ugnayan na ang National Bureau of Investigation sa mga awtoridad sa Sydney na nagsasagawa ng imbestigasyon.
Nakatakda namang magtungo sa Maynila ang nakababatang kapatid ni Ted na si Frederick Gonzales para personal na makipagkita sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs at ayusin ang kanyang visa patungong Sydney para personal na masubaybayan ang kaso. Nais ng mga kaanak na mailipad pabalik sa Pilipinas ang mga bangkay.
Nanawagan si Frederick sa gobyerno na aktibong makilahok sa gagawing imbestigasyon.
Samantala, isang malapit na kaibigan ng pamilya ang nagsabi na dalawang linggo bago ang pagpatay, tumawag si Sef sa kanyang mga kamag-anak at ikinuwento ang muntik nang pagkakasapak sa kanya ng isang Australian teenager habang papauwi na siya.
Hindi naman malinaw kung ang pangyayaring ito ay may kinalaman sa masaker.
Nangako naman si New South Wales police force, Supt. Mick Plotecki na gagamitin ang "full resources" ng buong kapulisan para matunton ang mga salarin.