PNP nalusutan ng mga holdaper sa arraignment ni Erap

Nalusutan ng mga kriminal ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos na itaon ng mga ito ang magkakasunod na panghoholdap sa Metro Manila sa unang araw ng arraignment ni dating Pangulong Estrada sa Sandiganbayan.

Ito ang mapagkumbabang inamin kahapon ni PNP Chief Director Leandro Mendoza na nagsabi pang sisikapin nilang hindi na ito maulit sa hinaharap.

Sinabi naman ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director, Chief Supt. Nestorio Gualberto na hindi nagpabaya ang pulisya sa kanilang tungkulin at nagkataon lamang umano na nasabay sa arraignment ni Estrada ang magkakasunod na pag-atake ng mga kriminal sa Quezon City at Caloocan.

Ito ang mariing depensa ni Gualberto matapos na ulanin ng batikos ang hukbo hinggil sa umano’y pagpapabaya nila sa seguridad sa ibang lugar sa Metro Manila sa tuwing ihahatid si Estrada sa Sandiganbayan para kaharapin nito ang kasong plunder na isinampa ng pamahalaan laban sa kanya.

Karamihan umano sa mga pulis na nagbabantay sa seguridad ni Estrada sa tuwing haharap ito sa korte ay mula sa iba’t ibang rehiyon partikular sa regions 2,3 at 4 ngunit nananatili naman umano ang puwersa ng mga lokal na hanay ng pulisya sa kanilang nasasakupan.

Aniya, sa isang dating lider ng bansa na may kinakaharap na kumplikadong kaso at may malawak pang suporta mula sa mamamayan ay marapat lamang na bigyan ito ng mahigpit na pagbabantay.

Batay sa record, sa tuwing ihahatid ng pulisya si Estrada papunta sa korte ay gumagastos ang pulisya ng P30,000 hanggang P35,000 araw-araw dahil sa pamasahe, allowance at pagkain ng mga pulis na galing sa iba’t ibang rehiyon.

Magugunita na kamakalawa ay P100,000 salapi ang tinangay ng mga bank robbers mula sa Equitable PCI Bank sa Balete Drive, Quezon City at isa namang Fil-Chinese businesswoman ang nanakawan ng P5.1 milyon na salapi mula sa armadong grupo habang naipit ito sa trapiko sa EDSA Serrano st. sa lungsod ng Caloocan. (Joy Cantos)

Show comments