Nadakip sina Nadzmi Sabdulla alyas Kumander Global at mga tauhang sina Halik Sabdani alyas Abujar, Saltimar Sali alyas Toto at Javier Sampang Sumhagan alyas Abu Kahir. Si Global ang nakatataas na lider ni Ghalib Andang alyas Kumander Robot.
Si Kumander Global ay sinasabing utak sa pagdukot sa Sipadan hostages, sangkot sa pagsalakay sa Pearl Farm sa Samal island at utak din umano sa dalawang pagpapasabog sa dalawang establisimiyento sa Gen. Santos City nitong nakaraang Linggo ng madaling araw na ikinasugat ng 12 katao.
Batay sa nakarating na ulat sa tanggapan ni AFP chief of staff Gen. Diomedio Villanueva, naaresto ang mga suspek sa tulong na rin ng mga residente na nagsumbong sa militar hinggil sa umaali-aligid na kahina-hinalang mga armadong lalaki sa kanilang lugar.
Sila ay nasakote bandang alas-7 ng gabi ng mga elemento ng Intelligence Unit ng PNP at 601 Brigade ng Phil. Army sa magkakahiwalay na operasyon sa Barangay Calumpang.
Ang pagkakadakip sa mga suspek ay ilang oras matapos maganap ang madugong pagpapasabog sa Rooftop disco at Cornstar lodge sa Rivera bldg. sa kahabaan ng Pioneer Ave. nasabing lungsod.
Pinaniniwalaan na nagtungo sa General Santos City ang mga suspek para magsagawa ng pambobomba nang sa gayon ay malihis ang operasyon ng militar na patuloy na tumutugis sa mga bandido.
Samantala, nag-agawan naman ng kredito ang PNP at AFP hinggil sa pagkakaaresto kina Global.
Sinasabi ng PNP na sila umano ang nakahuli pero iginigiit ng AFP na sila ang nakaaresto. Pinaniniwalaan na bukod sa karangalan at posibleng promosyon ay nag-aagawan sa kredito ang PNP at AFP dahilan sa "reward system" o sa umanoy makukuhang komisyon mula sa reward. May makukuha umanong komisyon ang law enforcement groups ng pamahalaan sa bawat mahuhuling mga opisyal ng bandido.
Ayon naman kay PNP chief Gen. Leandro Mendoza, hindi dapat pag-awayan ang reward money dahil ang tatanggap nito ay ang mga civilian informant.
Si Global ay may patong sa ulo na P5M at tig-P1M ang tatlo pa.
Naniniwala naman ang Malakanyang na malapit ng malansag ang bandidong grupo dahil sa sunud-sunod na pagkakahuli sa mga lider at tauhan nito. (Ulat nina Joy Cantos, Rose Tamayo atEly Saludar)