Ang pagbubunyag na ito ni Manaway, ay kanyang iginawa matapos lumabas na negatibo ito sa shabu at marijuana sa isinagawang drug test noong Sabado sa loob ng compound ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Sa isang handwritten affidavit ni Manaway, sinabi nito na siya ay pinakiusapan ng isang Mang Ben na samahan sa pagdeliber ng dalawang plastik bag na diyamante kay Jude Estrada.
Inamin ni Manaway na siya ay kasama sa grupo na binubuo ng 13 katao sa pamumuno ni Senior Supt. Michael Ray Aquino na inutusan ni Lacson na halungkatin ang mga diyamante sa mga basurang diapers na nasa container van sa Manila International Container Port mula sa bansang Hapon.
Ang 13 katao ay binigyan ng guwantes para halungkatin ang mga diyamante na nakatago sa mga mababahong diapers at sinabihan pa sila ni Michael Ray Aquino na huwag magbiruan dahil doon nakatago ang mga epektos.
Nakayanan nila ang dalawang araw na paghahalungkat sa mabahong diapers bago nakuha nilang lahat ang mga diyamante na kasinglaki ng kuko.
Sinamahan ni Manaway si Mang Ben sa pagdadala ng mga diyamante na nakalagay sa travelling bag sa Polk Street, Greenhills, San Juan na kung saan ay naghihintay doon si Jude Estrada.
Binigyan sila ni Jude ng P10,000 dahil sa kanilang trabaho at muli silang pinababalik kinabukasan para ideliber sa isang Allan Roman.
Si Allan Roman ayon kay Manaway ay isang mag-aalahas na may-ari ng isang tindahan malapit sa Fairmart, Cubao,Quezon City. (Ulat ni Cristina Mendez)