Sa pagbubunyag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isang contract worker na Filipino ang ginahasa ng kanyang Arabong employer. Bagamat hindi binanggit sa report kung kailan naganap ang insidente, nabunyag ito matapos lumantad ang biktimang itinago sa pangalang Randy.
Sa report ng OWWA, nakursunadahan si Randy ng kanyang among Arabo at hindi niya nagawang iwasan o malabanan nang siya ay puwersahin at pagsamantalahan.
Sa takot na malagay sa kahihiyan at malaman ng kanyang mga kasamahan sa trabaho ay itinago nito ang pangyayari hanggang sa makauwi na siya ng Pilipinas.
Sa nakalipas na siyam na taon ay kinimkim ng biktima ang naganap na panggagahasa sa kanya hanggang sa mapilitan na itong lumantad.
Ang karanasan ni Randy ay bahagi ng patuloy na lumolobong bilang ng mga nakakulong sa naturang Middle East country na mga OFWs, kabilang na ang mga Pinoy, na dumaranas ng sexual abuse.
Sa nakalap pang impormasyon, isang Francis, 39, na nakulong sa Al-Khobar dahil sa paglalasing noong taong 1990-91 ay mahigit 20 beses inabuso ng guwardiyang Arabo.
Si Francis, gaya ng ibang kapwa niya bilanggo doon, ay wala ring nagawa kundi ibigay ang sarili para lamang makaiwas sa parusang latigo o di kaya naman ay pagbibilad sa init ng araw.
Kadalasan na tuwing oras ng kanilang paliligo isinasagawa ng mga bantay na Arabo ang kanilang balak sa sinumang bilanggo na kanilang matipuhan.
Nag-alok naman ng psychological support ang OWWA kay Randy sa pamamagitan ng counseling, rehabilitation at maging financial support. (Ulat ni Andy Garcia)