Sa report ng PCIJ, ibinebenta umano ng Lockheed Martin sa PAF ang apat na lumang C-130 at dalawang sensor equipment na nagkakahalaga ng $41 million.
Ang C-130 project ay hindi pa aprubado pero inilipat na ng Lockheed sa Clark ang kanilang pasilidad at tauhan.
Ayon naman kay Defense Secretary Angelo Reyes, makabubuti sa AFP modernization program ang naturang kasunduan, pero sinabi ng Malakanyang na kailangan linawin ang ilang detalye sa agreement.
Kasabay nito, inaasahang maipagkakaloob ng US sa AFP ang isang C-130 para maidagdag sa nag-iisang C-130 na ginagamit ng Air Force sa paghahatid ng mga relief goods tuwing may kalamidad.
Ang mga papeles ng donasyon ng C-130 ay kasalukuyan nang tinatapos sa US Congress.
Inaasahan rin ang pagdating ng limang Huey helicopters na hiningi ng AFP sa US. Pumayag ang Pangulo na magkaroon ng mahusay na aerial surveillance hindi lang sa pagsugpo sa kidnapping kundi para din sa illegal na pangingisda sa karagatang saklaw ng teritoryo ng Pilipinas.
At para magamit sa modernisasyon ng PAF, inatasan ng Pangulo ang Defense department na ibenta ang kanyang Presidential plane. (Ulat nina Ely Saludar/Lilia Tolentino)