Sinabi ni dating Senador Ernesto Herrera, founding chairman ng Citizen Drug Watch Foundation at may akda ng Death Penalty Law na ang mga dayuhan na maaaring mabitay ay ang Australian national na si John Martin, 37 at mga Chinese national na sina Reh Ming, 36; Lim Shu Hal, 40; Wang Shizhi, 20; Tal Ti Yun, 45; Yan Jin at ang mag-asawang Sammy, 40 at Sherly Lu, 33.
Ang mga dayuhang nabanggit ay ilan lamang sa labinlimang naaresto sa kasong pag-iingat sa droga mula Enero hanggang Hunyo.
Si Martin ay naaresto sa Angeles City noong nakalipas na buwan at nakumpiska ang 230 gramo ng metamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu na nagkakahalaga ng P 460,000.
Ang pitong Chinese nationals naman ay naaresto sa Metro Manila at nakumpiska sa kanila ang isa hanggang tatlong kilo ng shabu.
Ayon sa 1994 Death Penalty Law, na ang sinuman na mahulihan ng 200 gramo ng shabu ay maaaring maparusahan ng habambuhay na pagkabilanggo o mabitay sa pamamagitan ng lethal injection. (P.R.)