Batay sa pahayag ni Phil. Army Chief Lt. Gen. Jaime delos Santos, hindi sapat ang bilang ng mga sundalong nagtatapos sa Philippine Military Academy (PMA) para punan ang kakapusan ng mga sundalong opisyal sa organisasyon.
Dahil sa problema, may posibilidad umanong magkulang na ang mga opisyal na mamumuno sa mga sagupaan at pagsasagawa ng operasyon sa mga lugar na sinasalanta ng kalamidad.
Inamin ni delos Santos na nakakaalarma ang patuloy na pagbaba ng statistika na nagsimulang magkaroon ng kakapusan mula pa noong 1995 kung saan may 120 opisyal ang nawawala kada taon.
Di naman binanggit kung kasama rin sa dahilan ng kakapusan sa mga sundalo iyong mga napapatay sa pakikipagsagupa sa mga rebelde sa kabundukan.
Kasabay nito, higit na tumindi ang paninindigan nito na salungatin ang pagbuwag sa Reserve Officers Training Course (ROTC) na maaaring makatulong para maengganyo ang mga kabataan na mag-sundalo.
Sinabi ni delos Santos na kailangan lamang paunlarin ang curriculum ng ROTC para malinawan ang kahalagahan nito sa kasanayan ng mga kabataan. (Ulat ni Joy Cantos)