Erap, nagmatigas di naghain ng plea sa kasong perjury

Not guilty!

Ito pa rin ang kinalabasan nang di pagsusumite ng plea ni dating Pangulong Estrada ng basahan ng sakdal kahapon sa Sandiganbayan para sa kinakaharap na kasong perjury.

Bunga nito, si Presiding Justice Francis Garchitorena ang nagpasok ng "not guilty plea" para sa kanya.

Sa ilalim ng batas, kahit hindi magsumite ng plea of guilty o not guilty ang isang akusado ay maituturing pa rin itong ‘not guilty" dahil ang batas ay laging pabor sa panig ng isang suspek o akusado.

Nag-umpisa ang arraignment pasado alas-3 ng hapon sa court room ng Sandiganbayan. Dumating si Estrada kasama ang kanyang maybahay na si Senator-elect Dr. Loi Ejercito, mga anak na sina Jinggoy, JV at mga abogadong sina Attys. Jose Flaminiano, Sigfried Fortun, dating chief justice Andres Narvasa at ang tumayong counsel ni Estrada sa nabanggit na kaso na si Rene Saguisag.

Sa rekord ng Ombudsman, tanging P35.8M lamang ang halaga ng mga ari-arian ni Estrada, pero ng imbestigahan ay nadiskubreng mayroon pa itong P20M money account sa banko, at ilan pang real estate na di idineklara ni Erap na nagbunsod para isampa ang kasong perjury.

Gayunman, si Estrada ay maaaring isailalim sa probation dahil ang kasong perjury ay mayroon lamang parusang anim na taong pagkabilanggo, pero hindi pa rin maaaring makapamuhay ng malaya ang dating pangulo dahil sa iba pang kasong kinakaharap nito, partikular ang kasong plunder na isang nonbailable case.

Suot pa rin ng dating pangulo ang kanyang wrist band na may seal ng Sagisag ng Pangulo ng Pilipinas.

Matapos ang arraignment ay muling ibinalik si Estrada sa Veterans hospital. Itinakda ang pre-trial sa Agosto 2, 2001.

Hindi naman naitago ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson ang pagkairita nito dahil sa ipinalabas na kautusan ng Sandiganbayan kung saan binawalan siyang magbigay ng komento hinggil sa dinidinig na kaso laban sa dating Pangulo. Inaprubahan ng korte ang kahilingan ng depensa na huwag siyang pagsalitain dahil isa si Chavit sa mga tatayo sa witness stand laban kay Estrada sa sandaling simulan ang paglilitis hindi lamang sa kasong perjury kundi maging sa kasong plunder. (Ulat nina Malou Rongalerios at Grace Amargo)

Show comments