Nasakote ng pinagsanib na mga elemento ng Army’s Intelligence and Security Group, PNP Counterintelligence Office at National Intelligence Coordinating Agency si Hashim Abdulajid alyas Harsim sa isang hindi binanggit na lugar sa FTI Complex dakong alas-7:30 ng gabi noon pang Hunyo 17 sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Basilan Regional Trial Court Judge Danilo Bucoy.
Ang pagkakaaresto kay Abdulajid ay kasunod ng pagkakahuli sa dalawa pang Abu Sayyaf intelligence officer na sina Abdullah Yusof alyas Boy Iran sa Zamboanga City noong Hunyo 23 at si Hussin Kasim sa magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga City.
Hindi naman binanggit kung bakit kahapon lamang ini-announce ang pagkakadakip kay Abdulajid.
Sa ginawang tactical interrogation, inamin ng suspek na intelligence officer siya ng Urban Intelligence Unit ng ASG sa ilalim ni ASG leader Isnilon Hapilon na maliban sa pambobomba sa urban areas sa Metro Manila ay naatasan ring maniktik sa galaw ng mga sundalo at pulis sa Basilan.
Ikinanta rin ng suspek na ipinadala siya sa Maynila ni Jairon Munib, para hanapin si Abubakar Janjalani at magtayo ng safehouses "para sa ASG members na magsasagawa ng bombings at iba pang terroristic activities sa metropolis."
Tinukoy ni Abdulajid ang isang nagngangalang Abu Moktar alyas Hair Moktar na sinanay sa Peshawar, Pakistan na siyang mamumuno sa bomb attacks.
Si Hapilon ang pumalit kay Hector Janjalani, kapatid ng pangalawang lider ng Abu Sayyaf na si Khadaffy Janjalani.
Magugunita na si Hector ay nasakote ng mga awtoridad sa isang Muslim compound sa Metro Manila habang ibinebenta ang video tape ng nasagip na American hostage na si Jeffrey Schilling. Kasalukuyan pa rin itong nakakulong sa detention cell ng PNP-IG sa Camp Crame. Ang Abu founder naman na si Abdurajak Janjalani ay napatay ng mga pulis sa Basilan noong Disyembre 1998.
Si Hapilon rin ang namuno sa raid sa Golden Harvest coconut plantation sa Lantawan, Basilan noong Hunyo 11.(Ulat nina Joy Cantoos at Rose Tamayo)