Malaki na rin ang ibinuhos na intelligence fund ni Pangulong Arroyo para gamitin sa operasyong militar laban sa ASG at noong nakaraang araw ay naglaan na naman ng karagdagang P14B ang Malakanyang para dito.
Maraming bala na ang nasayang sa sagupaan at maraming buhay na ng mga sundalo na ang karamihan ay may mababang ranggo ang nasawi sa labanan, pero sa kabila nito ay di pa rin nasusugpo ang mga bandido.
At ang matindi, panibagong kaso na naman ng pagdukot ang naitala sa PNP provincial headquarters ng Basilan kung saan isang mag-ina ang iniulat na dinukot ng mga bandido.
Kinilala ang panibagong bihag na si Minda Pamangka, 24, at ang 5-anyos na anak nitong lalaki na kinidnap sa pamumuno ni Sayyaf lider Kumander Isnilon Hapilon sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Sumisip, Basilan dakong alas-12 ng tanghali.
Ayon kay Basilan PNP provincial director Akmadul Pangambayan na isa umano sa demand ng mga bandido kapalit ng kalayaan ng mag-ina ay ang kalayaan ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf na kasalukuyang nasa kamay ng mga awtoridad kabilang na dito ang intelligence officer ng Sayyaf na si Abdullah Mulo alyas Boy Iran. (Ulat ni Rose Tamayo)