Ayon kay Omar, nakatakda na sana umanong palayain kahapon ang dalawa sa naturang mga bihag pero naudlot.
"Hiniling sa akin ng pamilya ng mga bihag na kung anuman ang napag-usapan namin ay huwag ilabas sa media, nirerespeto ko naman sila. Ang masasabi ko lang ay may mari-release at P5 milyon ang bawat isa," wika ni Omar.
Sinabi pa nito na tumutulong lamang umano siya sa pamilya ng mga bihag na kusa umanong lumapit sa kanya para sa pagpapalaya ng mga natitira pang Palawan hostages.
Gayunman, wala umano siyang balita sa mga Amerikanong bihag at hindi anya ito kasama sa negosasyon na kanyang hinahawakan.
Kabilang sa natitirang Palawan hostages na hawak ng Abu Sayyaf ay ang mag-asawang Amerikanong misyonaryo na sina Martin at Gracia Burnham, Luis Bautista III, Lalaine Chua, Angie Montealegre at Maria Fe Rosadeno, ang nobya ng pinugutang American hostage na si Guillermo Sobero. (Ulat ni Rose Tamayo)