Labi ni Janjalani huhukayin! - Governor Akbar

Zambonga City- Ipapahukay ni Basilan Governor Wahab Akbar ang bangkay ni Khadaffi Janjalani, lider ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na umano ay dalawang linggo ng patay matapos maengkuwentro ang tropa ng militar.

Ayon kay Gov. Akbar na ang labi ni Janjalani ay inilibing sa isang ilang na lugar sa Tuburan at alam umano nito ang eksaktong lugar na pinaglibingan at ito ay kanilang huhukayin para patunayang patay na ito at ipapakita sa publiko.

Sinabi ni Gov.Akbar na namatay si Janjalani matapos tamaan ng bala sa katawan nang bombahin ng militar ang Tuburan.

Kaya naman sinalakay ng mga tauhan nito ang Jose Torres Memorial Hospital sa bayan ng Lamitan at dumukot ng mga doktor para gamutin si Janjalani at iba pang mga kasamahang nasugatan.

Hindi lamang si Gov. Akbar ang nagkukumpirma na talagang patay na si Janjalani kundi maging si Isabela City Mayor Luis Biel na nagsasabing patay na ang lider ng mga bandido bunga ng malaking sugat sa tiyan na ikinalabas ng bituka nito.

Sinabi pa ni Mayor Biel na may tao siyang kontak sa ASG na nagkumpirma na nasaksihan nito ang ginawang paglilibing kay Janjalani sa isang lugar sa Tuburan.

Ayon kina Gov. Akbar at Mayor Biel na hindi kailanman aaminin ni Abu Sabaya na patay na si Janjalani.

Kung kumpirmado na patay na si Janjalani ito ang ikalawang lider ng Abu Sayyaf na napatay sa pakikipag-engkuwentro sa militar.

Ang nakatatandang kapatid nito na si Ustadz Abdurajak Abubakar Janjalani na nagtatag ng ASG ay napatay ng mga pulis noong 1998 sa Lamitan at si Khadaffi ang siyang pumalit dito.

Samantala hindi agad pinatulan ng Malacañang ang nasabing ulat na pagkamatay ni Janjalani dahil hinihintay pa nila ang kumpirmasyon galing sa militar. (Ulat nina Rose Tamayo at Ely Saludar)

Show comments