Duda umano sina ex-Malaysian Senator Sairin Karno at Malaysian businessman Yusuf Hamdan na pumasok sa lungga ng mga bandido at makipag-negosasyon dahil baka manganib ang kanilang buhay sa kamay ng grupo ni Abu Sayyaf spokesman Abu Sabaya.
Sa panayam ng Radio Mindanao Network, sinabi ni Hamdan na kung nagawang pugutan ng ulo nina Sabaya ang 40-anyos na dayuhang bihag na si Guillermo Sobero ay hindi malayong sapitin rin nila ito kung hindi sila mag-iingat.
Gayunman, ayon kay Hamdan ay kailangang igarantiya muna ng grupo ng Abu Sayyaf ang kanilang kaligtasan bago sila kumilos sakaling pahintulutan na sila ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohammad na tumulong sa gobyerno ng Pilipinas.
Nauna nang inihayag ni Mohammad na wala pa silang natatanggap na "formal request" mula sa administrasyon ni Pangulong Arroyo para sa dalawang Malaysian negotiators na hinihiling ni Sabaya.
Samantala, sinabi naman ni Pangulong Arroyo na dahil umatras na ang ASG sa negosasyon ay hindi na hihingi pa ng pahintulot sa pamahalaang Malaysia para payagan ang paglahok ni Karno sa usapin.
Matatandaan na malaki ang naging papel nina Karno at Hamdan sa pagpapalaya sa Sipadan hostages na kinabibilangan ng 18 dayuhan sa kainitan ng hostage crisis sa Sulu noong nakaraang taon.
Sa kasalukuyan ay 27 pa ang bihag ng mga bandido kabilang ang walo na dinukot sa Dos Palmas resort sa Palawan noong Mayo 27; apat na kinidnap sa paglusob sa Lamitan, Basilan nitong Hunyo 2 at ang 15 kataong binihag sa Golden Harvest Plantation sa Lantawan, Basilan noong nakaraang Hunyo 11. (Ulat nina Joy Cantos at Lilia Tolentino)