Sa muling pagsasalita ni Abu Sayyaf spokesman Abu Sabaya sa RMN News Zamboanga, sinabi nito na halos kasabay ng pagtataas ng mga bandila ang ginawa nilang pagpugot sa ulo ni Peruvian American hostage na si Guillermo Sobero, 40, para ipakita sa pamahalaang Arroyo na totohanan ang kanilang binitiwang salita at hindi puro banta. Ito rin ay bilang tugon sa patuloy umanong pagmamatigas ng gobyerno sa kanilang hinihiling na negosyador mula sa Malaysia at ang patuloy na isinasagawang military operations laban sa kanila.
"Bilang gift namin sa Independence Day, nag-release kami ng isang Amerikano yong si Amigo (Guillermo) kaya lang nag-release kami ng wala nang ulo," pahayag ni Sabaya.
Papatunayan umano ito ni Sabaya sa pamamagitan ng video film na hawak nila na magpapakita na talagang pinugutan na nila ng ulo si Sobero.
"Tandaan nyo, hindi ito ang unang pagpugot ng ulo na ginawa namin, pag sinabi naman talagang gagawin namin. Meron kaming film dito, pag maluwag na yong dadaanan namin ipadadala namin yong film at saka siguro matatagpuan rin ng mga sundalo ang bangkay ni Sobero," wika ni Sabaya matapos kumpirmahin nito na dakong alas-7 ng umaga ginawa ang naturang pamumugot.
Sinabi pa ni Sabaya na si Sobero ay pinugutan nila ng ulo sa isang liblib na lugar sa bayan ng Tuburan, Basilan at ang bangkay nito ay iniwan na ng kanilang grupo sa nasabing lugar.
Hinamon din nito ang militar na dali-dalian ang paghahanap sa bangkay at ulo ni Sobero at baka maunahan ang mga ito ng aso.
"Dali-dalian ninyo at baka wala na kayong abutan dito ni isa sa mga hostages. Pinutol na namin ang negotiation tatawag na lang kami ulit kapag may pinugutan ulit kami," ayon kay Sabaya.
Binantaan din ni Sabaya ang mga Ulama, spiritual leaders ng Islam na katumbas ng mga Obispo ng relihiyong Katoliko, na hindi sila mangingiming pumugot ng ulo ng mga ito kung magiging balakid sa kanilang mga kilos.
Kung may katotohanan ang pamumugot kay Sobero, ito ang kauna-unahan na namugot ang mga bandido ng dayuhang bihag simula ng itatag ang ASG noong 1991.
Si Sobero, isang turista at tubong Corona, California USA ang ikatlong bihag mula sa Palawan na pinugutan. Noong Hunyo 2, nadiskubre malapit sa bayan ng Lamitan ang mga pugot na bangkay nina Sonny Dacquer at Armando Bayona, pawang mga staff ng Dos Palmas.
Samantala, dalawa sa 15 sibilyan na binihag sa Lantawan, Basilan kamakalawa ang umano'y pinatay din ng mga bandido.
Bagaman kinukumpirma pa ang report, nabatid na gutom na ang mga bihag dahil dalawang araw na itong hindi kumakain. (Ulat nina Joy Cantos at Rose Tamayo)