Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, bandang alas-9 ng umaga ng lusubin ng mga armadong bandido na pinamumunuan ni Sulu-based Commander Isnilon Hapilon, ang coconut plantation ng Golden Harvest Inc. sa Barangay Tairan, Lantawan na pag-aari umano ni dating Basilan officer-in-charge Gov. Louie Alano at tangayin ang chief security dito na kinilalang si Primitivo Falcasantos.
Ilan sa puwersa ng Abu Sayyaf ang pumasok naman sa mga kabahayan at isa-isang pinalabas ang mga residente rito bago sinunog ang limang bahay at isinunod ang isang kapilya. Maging mga kopra at ilan pang pananim ay sinunog rin sa kabila ng pagmamakaawa ng mga residente dito.
Nauna rito ay 50 katao ang tinangay ng mga bandido, pero napilitan ang mga Sayyaf na iwanan na lamang sa daan ang 35 bihag at tangayin ang 15 para wala umanong maging sagabal sa kanilang pagtakas.
Namili umano ng bibihagin ang mga bandido kung saan karamihan sa mga unang tinangay ay kadalagahan na naggagandahan at mga bata, subalit sa daan ay iniwanan ang mga ito dahil wala umanong maipapakain at tinangay na lamang ang mga kalalakihan na pinaniniwalaang huhubuging maging miyembro ng Abu Sayyaf.
Sinabi pa sa ulat na nag-iiyakan ang mga batang hostage habang kinakaladkad ng mga bandido patungo sa kabundukan ng Lantawan.
Bukod kay Falcasantos, 14 sa mga bihag ay nakilalang sina Vicente Perillo Sr., Vicente Perillo Jr., Fernando Perillo, Rodrigo Solon, Reynaldo Ariskan, Abdul Tata Mohammad, Roel Abelyon, Michael Abelyon, Faisal Manading, Ruleen Balderamos Jr., Bertab Benasing, Sardy Benasing, Crisanto Suelo at Marlon Dinaganon.
Dahil sa panibagong pangingidnap ay umabot na sa 28 ang hawak na bihag ng mga bandido.
Sa panayam ng Radio Mindanao Network (RMN) News Zamboanga, kinumpirma ni ASG spokesman Abu Sabaya na nagsanib na ang puwersa ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan.
Buong pagmamayabang na sinabi ni Abaya na patuloy umanong dumarating ang reinforcement troops ng Abu Sayyaf mula sa Jolo, Sulu at ngayo’y tumutulong na sa kanilang grupo sa pagsagupa sa tropa ng pamahalaan.
Ipinahiwatig pa ni Sabaya na hindi sila titigil sa paghahasik ng terorismo sa katimugang bahagi ng bansa para hiyain ang administrasyong Arroyo sa international community.
Kaugnay nito, muling nagbanta si Sabaya na may papatayin umano sila sa kanilang mga bihag kung ipagpapatuloy ng militar ang paghabol sa kanila.
Samantala, maraming residente ng Basilan ang nagsilikas na sa kanilang mga tahanan patungong Zamboanga City dahil sa banta ng ASG na magsasagawa ng full operation para lusubin at sakupin ang buong Basilan at Zamboanga City.
Bunga nito, daan-daang residente ang kasalukuyang nag-uunahan at na-stranded sa mga pampublikong mga daungan ng Basilan. (Ulat nina Joy cantos at Rose Tamayo)