Sa nasabing sagupaan ay nabaril sa likod at nasa malubha umanong kalagayan ang Amerikanong bihag na si Martin Burnham habang nasa kainitan ng palitan ng putok sa pagitan ng militar at grupong Abu Sayyaf.
Sa panayam ng lokal na himpilan ng RMN sa Zamboanga City, sinabi ni Sabaya na tinamaan ng bala ng M-79 si Martin ng magkaroon ng engkuwentro sa Mt. Sinangcapan, Tuburan, Basilan kamakailan. "Tinamaan sa likod si Mr. Burnham, sinugod kami ng mga sundalo kaya tinamaan siya."
Kasabay nito ay kinumpirma rin kahapon ni Sabaya na hindi dalawa kundi tatlong bihag ang kanilang pinugutan matapos mapaulat na isa pang Amerikanong bihag na si Guillermo Sobero ang kanilang pinugutan ng ulo.
Sinabi ni Sabaya na ang tatlong hostages ay pinugutan bago pa man sila lumusob sa bayan ng Lamitan matapos na tangkain ng mga itong manlaban sa kanilang grupo.
Magugunita na narekober ng militar ang dalawang pinugutang bihag na sina Sonny Dacquero, staff ng Dos Palmas at si Armando Bayona, security guard.
Pinabulaanan din nito na may kakutsaba silang mga Arabo. "Tandaan ninyo na ang nilusob namin ay hindi Middle East, Pilipinas ito so kami ang nakakaalam dito."
Nauna nang hiniling ni Sabaya sa gobyerno sa pamamagitan din ng pagsasalita sa RMN na pakakawalan lamang umano nila ang kanilang mga bihag kung ibibigay ng pamahalaan sa kanila ang Jolo, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Duda naman ang Malakanyang sa pahayag ni Sabaya na nasugatan ang isang Amerikanong bihag at ito'y inaalam pa ng mga awtordad.
Magaling umano sa propaganda si Sabaya at hindi maaaring paniwalaan agad ang mga sinasabi nito. (Ulat nina Joy Cantos, Rose Tamayo at Ely Saludar)