^

Bansa

2 bihag pinugutan ng Abu Sayyaf, 19 hostages nasagip

-
LAMITAN, Basilan –- Natagpuan kahapon ang naaagnas na mga bangkay ng dalawang hostages na kabilang sa 20 katao na dinukot sa Dos Palmas beach resort sa Palawan na kapwa pinugutan ng ulo ng bandidong Abu Sayyaf.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Leandro Mendoza, ang dalawang bangkay na kapwa naaagnas ay nakilalang sina Sonny Dacquer, staff ng resort at security guard na si Armando Bayona na narekober ang bangkay sa isang masukal na bahagi ng kagubatan ng bayang ito.

Ayon kay Sr./Insp. Aljid Omar Dalawis chief of police ng Lamitan, na natagpuan dakong alas 2:30 ng hapon ni Bgy. Councilor Ismael Bidong ang bangkay ng dalawang Palawan hostages.

Pugot ang ulo ni Dacquer habang si Bayona naman ay may taga sa leeg at hinihinala na ang mga ito ay tatlong araw ng patay.

Posibleng pinahirapan muna ng mga bandido ang mga biktima na nagagalit dahil sa kainitang isinasagawang hot pursuit operation ng mga militar.

Samantala, labing-siyam pang hostages kabilang ang limang dinukot sa Dos Palmas beach resort sa Palawan ang nasagip ng militar sa pagpapatuloy ng search and rescue operations sa Lamitan, Basilan kahapon ng madaling araw.

Sa pulong balitaan kahapon sa Camp Aguinaldo, kinilala ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan ang karagdagan pang nailigtas na hostages mula sa Palawan na sina Teresa Guanzon, Luis Raul De Guzman Recio, Divine Recio, Letty Jao at Janice Ting Go.

Inihayag din ni Adan na apat pang katao ang nasagip na kinabibilangan ng dalawang paring sina Fr. Louie Nacorda,kura paroko ng St.Peter Parish Church; assistant parish priest Fr. Rene Enriquez, Esperedion Gadla at Wilfredo Tagum na kabilang sa 200 katao na hinostage sa loob ng simbahan at Jose Torres Memorial Hospital ng mga bandidong Abu Sayyaf kamakalawa ng madaling araw.

Kasabay nito, nabawi rin ng militar ang sampung mangingisda na tinangay ng Abu Sayyaf mula sa Cagayan De Tawi-tawi matapos agawin ang mga bangka ng mga ito nang masira at maubusan ng gasolina ang ginamit ng mga itong "kumpit" speedboat sa pagsalakay sa Dos Palmas resort .

Nabatid kay Adan na narekober ang nasabing mga bihag simula kahapon ng madaling araw ilang oras matapos na makatakas sa tumutugis na tropa ng mga sundalo ang mga bandido na tumangay ng napakarami pang bilang ng mga hostages na ginawa nitong kalasag laban sa puwersa ng pamahalaan.

Una rito nasagip kamakalawa ng militar ang apat na hostage sa Palawan na kinabibilangan ni Reghis Romero dating may-ari ng Manila Times; RJ Recio, 8; Maria Risa Rodriguez Santos at ang sugatang security guard ng Dos Palmas na si Eldren Morales.

Samantala natakasan ng mga bandido ang kordon ng militar at tangay ang ilan pang Palawan hostages at humigit kumulang na 100 bihag na kinabibilangan ng mga doktor, nurses, kawani ng ospital at mga pasyente na siyang ginagamit bilang kalasag laban sa tumutugis na tropa ng pamahalaan.

Sinisisi naman ni National Security Adviser Roilo Golez ang Radio Mindanao Network ang pagkatakas ng mga bandido dahil sa pagsasahimpapawid ng panayam kay ASG Spokesman Abu Sabaya.

Si Golez ay nagbigay ng pahayag sa RMN kahapon ng umaga at sinermunan nito ang nasabing himpilan dahil sa pagsasahimpapawid kay Sabaya.

Sa panig naman ng RMN ginagawa lang umano nito ang kanilang tungkulin na ibigay sa publiko ang tunay na pangyayari at hindi nila isinasa-himpapawid ang anumang hakbang na may kinalaman sa operasyon ng militar.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng National Disaster Coordinating Council na kasalukuyan ay umaabot na sa 110 pamilya o kabuuang 5,000 katao ang nagsilikas sa bayan ng Lamitan na naiipit sa sagupaan ng tropa ng militar at ng mga bandidong ASG. (Mga ulat nina Joy Cantos, Rose Tamayo at Ely Saludar)

ABU SAYYAF

ADAN

ALJID OMAR DALAWIS

ARMANDO BAYONA

DOS PALMAS

LAMITAN

PALAWAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with