Kung tuluyang maisasabatas ang supplemental budget, makasisiguro ang nasa 1.1 milyong manggagawa sa gobyerno na maipatutupad sa darating na Hulyo ang kanilang 5% pagtaas sa sahod; P1.45 billion salary adjustment para sa PNP personnel at P500 milyon karagdagang benefits para sa mga beterano.
Samantala, malabo namang pumasa ang kontrobersiyal na Omnibus Power Bill dahil sa dami ng mga kongresistang sumasalungat dito.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, marami sa mga kongresista ang hindi pabor sa panukala at marami rin ang hindi nakakaintindi kung ano talaga ang nilalaman ng nasabing power bill. Ibinunyag ni Salceda na hindi totoong gagaan ang pasanin ng mga mamamayan sa pagbabayad ng kuryente dahil kahit akuin ng gobyerno ang P200 billion sa P450 billion stranded liabilities ng Napocor, babawiin naman ito ng pamahalaan sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpapataw ng panibagong pagtataas sa singil ng buwis. (Ulat ni Malou Rongalerios)