Sa report na nakarating sa tanggapan ni PNP chief director, Gen. Leandro Mendoza, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga.
Kalalabas lamang ng bahay sa Atilano pension house, Mayor Jaldon st., Bgy. Caneral at sakay na ng kanyang pulang Honda dream motorcycle ang biktimang si Candelario "Jhun" Cayona, 37, ng biglang harangin ng mga suspek at malapitang paputukan sa ulo at katawan ng bala ng kalibre .45. Dead-on-the-spot ang biktima.
Nakarekober ang mga awtoridad ng walong basyo ng bala.
Napag-alaman kay PO3 Alex delos Reyes ng Zamboanga city police, matagal nang may death threat ang biktima mula sa grupo ng Abu Sayyaf bunga ng kaliwat kanang pambabatikos nito sa pagkakasangkot ng mga bandido sa hostage crisis sa Sulu.
Pinaniwalaang ikinagalit ng grupo ng Sayyaf ang hindi magandang komentaryo nito, dahilan para siya patayin.
Si Cayona ay dating reporter ng DzBB bago humawak ng public affairs radio program sa DxLL. Kabilang sa kanyang mga programa ang Buenas Dias Zamboanga (Good Morning Zamboanga), Textimonia at Aksyon Derecho.
Isang puspusang operasyon na ang inilunsad ng mga awtoridad para madakip ang mga salarin.(Mga ulat ni a Joy Cantos at Roel Pareño)