Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel, mahalagang mailatag ng militar ang pinaggamitan ng pondo matapos na mandukot ng mga turista ang mga rebeldeng Abu Sayyaf sa Dos Palmas Resort sa Palawan.
Ikinadismaya ni Pimentel ang mga pangyayari kung saan nasayang lamang umano ang mga pagsisikap ng pamahalaan na durugin ang mga rebelde sa bansa sa pamamagitan ng paglaan ng sapat na puwersa at pondo para sa militar.
Kukuwestiyunin ng Senado kung bakit hindi natunugan ng militar ang pagsalakay ng mga bandido gayong sapat ang pondong nakalaan dito.
Para naman kay Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng Senate committee on national defense and security, dapat bigyan muna ng sapat na panahon ang militar na gumawa ng aksiyon bago magsagawa ng imbestigasyon ang Senado. (Ulat ni Doris Franche)