Nangunguna sa listahan si Cynthia Villar na nahalal na kinatawan ng Las Piñas, kapalit ni Manny Villar na tumakbong senador.
Nahalal naman bilang kinatawan ng Bulacan si Lorna Silverio, kapalit ng kanyang mister na si Rep. Ricardo Silverio.
Sa Oriental Mindoro ay nanalo ang asawa ng kongresistang si Rep. Renato Leviste na si Charity Leviste, samantala nahalal na kinatawan ng Misamis Occidental si Herminia Ramiro, kapalit ng kanyang namayapang asawang si dating Rep. Hilarion Ramiro.
Pinalitan naman ni Aleta Catarina Suarez ng ikatlong distrito ng Quezon Province ang asawang si Rep. Danilo Suarez, habang si Lynette Punzalan na nahalal sa 2nd district ng Quezon ay sa binakanteng posisyon ng kanyang napaslang na asawang si dating Rep. Marcial Punzalan Jr.
Sinuwerte ding makapasok sa Kongreso ang asawa ni Leyte Rep. Sergio Apostol na si Trinidad Go Apostol.
Pero, kung may mga mister na pinalitan ng kanilang mga misis sa kanilang puwesto, mayroon din namang mga dating kongresistang babae ang pinalitan ng kanilang mga mister.
Kabilang dito si Rep. Grace Singson na papalitan ng asawang si Eric Singson at si Quirino Rep. Ma. Angela Cua na papalitan ng kanyang asawang si Junie Cua.
Sa Iloilo ay nanalo din ang mister ni Congresswoman Nimfa Garin na si Oscar Garin, at maging ang mister ni Cebu Rep. Nancy Cuenco na si Antonio Cuenco.
Ang namayapa namang kongresista ng Albay na si dating Rep. Norma Imperial ay pinalitan ng kanyang mister na si Carlos Imperial. (Ulat ni Malou Rongalerios)