''Wag idamay ang mga bata''- DECS

Umapela kahapon si Education Secretary Raul Roco sa mga public school teachers na nagpaplanong magwela sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 4 na huwag gantihan ang mga batang mag-aaral sa pagkukulang na ginawa ng Commission on Elections (Comelec).

"Bakit mo parurusahan ang mga bata dahil galit ka sa Comelec," wika ni Roco.

Ang planong welga ay dahil sa pagkabigo ng Comelec na bayaran ang P1,800 allowance para sa dalawang araw na serbisyo ng mga guro sa katatapos na May 14 elections.

Bagamat nagpahayag ng pag-atras sa planong nationwide strike ang nakararaming miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), tuloy pa rin ang planong welga ng isang paksiyon ng organisasyon na pinamumunuan ni Raymund Villanueva.

Tiniyak ni Roco na sa sandaling makapagpatupad na ang Comelec ng computerization program ay gagaan na ang trabaho ng mga guro na maglilingkod sa eleksiyon dahil ang gagawin na lamang ng mga teachers sa halalan ay magbigay ng balota sa botante at tiyaking maihuhulog ang mga ito sa ballot box. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments