Erap posibleng ma-stroke sa trial

Nangangamba ang isang heart specialist sa Veterans Memorial Medical Center na posibleng bumigay ang puso ni dating Pangulong Estrada kung hindi nito makakayanan ang pressure ng nakatakdang paglilitis sa kasong plunder na isinampa laban dito ng Sandiganbayan.

Si Estrada at anak na si ex-San Juan mayor Jinggoy Estrada ay patuloy pa ring naka-confine sa naturang ospital para sa isang executive check-up.

Sa isang panayam sa Ciudad Fernandina Forum, tinuran ni Dr. Florante Durante, cardiologist ng VMMC na pinagbabatayan niya ang sobrang katabaan ni Estrada, ang kawalan nito ng exercise at ang mataas na level ng cholesterol nito.

Ang pagsasalang kay Estrada sa araw-araw na paglilitis, ayon kay Durante ay magiging daan para sumailalim sa matinding pressure at stress ang dating Pangulo, dahilan para bumigay ang kanyang puso.

Sinabi pa ni Durante na si Estrada ay tumatangging pasailalim sa kumpletong pagsusuri ng kanyang puso at naghihinala ang mga doktor sa pagamutan na ito’y may lihim na itinatago hinggil sa kalagayan niyang pangkalusugan.

Ayon kay Durante, isang araw lang naman ang kakailanganin para magkaroon ng thorough heart examination si Estrada pero nagtataka sila at ayaw nitong magpasuri.

"Hindi namin siya kayang puwersahing magpatingin dahil talagang ayaw niya," ani Durante.(Ulat ni Perseus Echeminada)

Show comments