Inaresto sina Mark Dia, Paul Devera at Roda Angeles na pawang Filipino Greenpeace activists kasama ang mga Thai nationals na sina Thibodi Buakamsri at Ketsara Poolsri at Mal Haskin ng Australia.
Gayunman, matapos ang maghapong interogasyon ng Japan police sa mga Pinoy ay pinalaya rin ang mga ito at hindi na kinasuhan dahil ayaw na rin umano ng Japan police na palalain ang sitwasyon.
Ayon kay Francis dela Cruz, Greenpeace Southeast Asia toxic campaigner, nagsagawa ng protesta ang mga Greenpeace activists kahapon sa harap ng gusali ng JBIC sa Bangkok upang kondenahin ang ginagawa nitong pagpopondo sa mga dirty technologies tulad ng incinerators na nagbubuga naman ng Polychlorinated biphenyls (POPs) na nakakalason sa ating kapaligiran.
Aniya, naglagay ng 10 x 10 meters banner ang mga aktibista sa harap ng gusali ng JBIC kung saan ay nakatitik ang mga katagang "Japan: dioxin pusher, Stop incinerator".
Sinabi pa ni dela Cruz, isinagawa ang protesta kasabay ng kauna-unahang Stockholm Conference na dadaluhan ng mga kinatawan mula sa 120 bansa kabilang ang Pilipinas upang talakayin ang kauna-unahang global treaty upang wakasan ang POPs.
Winika pa ng Greenpeace toxic campaigner, napatunayan na sa maraming pag-aaral na panganib ang dulot hindi lamang sa kapaligiran ng toxic na nagmumula sa incinerator kundi maging sa kalusugan ng tao.
Iginiit pa ni dela Cruz, dapat isulong ng ating Senado sa pamamagitan ng pag-ratify sa treaty na ito ang tuluyang pagbabawal sa mga mapanganib na kemikal gaya ng nakasaad sa ating Clean Air Act of 1999. (Mga ulat nina Angie Dela Cruz at Rudy Andal)