Bagaman walang tinukoy na mga pangalan si Borra, nangako itong ibubunyag ang mga anyay "hudas iscariote" sakaling mapatunayan ng kanilang mga ebidensiya na nakipagsabwatan ang mga ito.
Ang pahayag ay bilang suporta sa report ni Senate President Aquilino Pimentel hinggil sa pagkakasangkot ng mga opisyal sa loob at labas ng poll body sa election irregularities.
Sa kabila nito, sinabi pa ni Borra na kapwa nandaraya ang oposisyon at administrasyon para matiyak lang ang pagkapanalo sa eleksyon sa pamamagitan ng mga "hudas" sa komisyon.
Nakatakda namang magsampa ng reklamong falsification of election documents sa Comelec si Namfrel chairman Jose Concepcion laban sa provincial at municipal board of canvassers na umanoy pinag-ugatan ng dagdag-bawas.
Ayon kay Concepcion, sa municipal level pa lamang umano ay minaniobra na ang election results kung saan binabago ang suma-total at mga nakalagay na bilang ng boto sa statement of votes at certificate of canvass.
Kahapon ay nagharap naman ng "urgent petition" sa Comelec sina Senators Miriam Santiago at Juan Ponce Enrile para hilingin na isantabi ang provincial certificate of canvass sa lalawigan ng Zamboanga del Norte dahil sa umanoy kapalpakan sa di paglalagay ng pirma at thumbmark sa certificate of canvass. (Mga ulat nina Rose Tamayo at Jhay Mejias)