Bukod sa bungkos-bungkos na mga salapi na kinita sa buong araw na sale, nilimas din ng mga suspek ang mga pera’t alahas ng mga empleyado dito at mga shotgun ng nakatalagang security guards.
Ayon kay C/Supt. Nestorio Gualberto, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director, ang mga suspek na pawang nakasuot ng fatigue uniforms at armado ng M16 rifles ay dumating sa nasabing establisimiyento bandang alas-9 ng gabi sakay ng pulang Nissan Sentra at gray cars na walang plaka at nagpakilalang mga tauhan ng PNP bomb squad.
Sa panayam, sinabi ni Supt. Maximo Malabanan, Southern Tagalog regional CIDG chief, isa sa mga suspek ang lumapit sa mga guwardiya at nagsabing rumeresponde sila sa isang bomb alert at magsasagawa ng pag-defuse ng bomba kaya malayang nakapasok ang mga ito.
Agad dumiretso ang mga suspek sa store manager na si Cora Tomas at inutusan itong buksan ang vault, pero sa takot ay itinuro umano nito ang vault custodian na si Olive Flores na siyang may hawak ng susi. Naging mabilis ang kilos ng mga suspek at saglit lamang ay limas na ang vault at mga ari-arian ng mga empleyado at mga armas ng mga sekyu na sina Tomas Bagnot at Emam Lunabago nagsitakas.
Isang malalim na imbestigasyon ang isinasagawa para makilala ang mga suspek at inaalam na rin kung ito ay inside job. (Mga ulat nina Ed Amoroso at Jaime Laude)