PPC bets nadismaya sa Palasyo

Nagkakaroon ngayon ng demoralisasyon sa mga kandidato ng People Power Coalition dahil hindi mapigilan ng Malacañang ang nangyayaring malawakang dayaan sa bilangan ng mga balota.

Ilan sa mga senatorial bets ng PPC ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa kawalan umano ng aksyon ng PPC operations bureau at ng Malacañang sa operasyon dagdag-bawas.

Sa isang panayam, inakusahan ng ilang kandidato ang PPC at ang Palasyo ng pang-iiwan sa gitna ng mga iregularidad na nangyayari sa bilangan ng boto, partikular sa mga probinsiya kung saan ginagawa umano ng Puwersa ng Masa ang pandaraya.

"We were supposed to be a coalition. We were supposed to be backed by the administration. But as things stand now, we’ve been left to fend for ourselves. We’ve been abandoned," anang isang PPC senatorial aspirant.

Isa pang kandidato ng PPC ang nagpahayag naman ng paninisi sa Arroyo administration dahil sa kabiguan umano nito na bigyan ng proteksyon ang ‘sanctity’ ng balota, sa kabila ng nauna nang mga babala ukol sa dagdag-bawas.

Maliwanag umano na nagkakaroon ngayon ng trend sa isinasagawang quick count ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) kung saan natatalo ang ilang mga kandidato ng PPC at nakapasok ang mga kandidato ng oposisyon katulad nina dating first lady Loi Ejercito, reelectionist Senators Gregorio Honasan, Juan Ponce Enrile, Miriam Defensor Santiago at maging si dating PNP Chief Panfilo Lacson. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments