Chopper bumagsak sa Palawan, 6 katao patay

Anim katao ang kumpirmadong namatay kabilamg ang ina ni Palawan Gov. Joel Reyes matapos bumagsak ang sinasakyan nilang private helicopter sa isang masukal na lugar sa may Sitio Mabugay, Bgy. Manalo, Puerto Princesa, Palawan kahapon.

Kinilala ni Rolando Bonoan, provincial information officer, ang mga biktimang sina Mrs. Lualhati Reyes; Modesto Gilongos, executive assistant sa governor’s office; Ramil Miraflores, provincial security officer; Jun Sta. Reyes, kaibigan ng pamilya Reyes; pilotong si Capt. Rene Marucot at assistant nitong nakilala lamang sa pangalang Ompong.

Ayon kay Bonoan, ang grupo ay patungong Puerto Princesa mula sa bayan ng San Vicente nang maganap ang insidente.

Sa nakalap na report, ang chopper na isang 7-seater Aero Spatial model at may registry number RPZ 2345 ay iniulat na pag-aari ng Jaka firm ni Sen. Juan Ponce Enrile.

Hindi na makilala ang mga labi ng mga biktima ng marekober dahil na rin sa pagkakasunog ng mga ito bunga ng pagsabog makaraang bumagsak sa naturang lugar.

Naigong makapagbigay ng pahayag si Gov. Reyes na na-shock sa pangyayari.

Si Reyes ang naluklok na gobernador ng Palawan matapos na mamatay sa kaparehong crash ang pinalitan niyang si Salvador Socrates noong Hulyo 2000.

Sa kasalukuyan ay mahigpitan ang kanilang labanan ni Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn.(Ulat ni Butch Quejada)

Show comments