Ayon kay Namfrel Chairman Jose Concepcion Jr., nakita ang nasabing pandaraya makaraang dumating kahapon sa kanilang tabulation center sa La Salle Greenhills ang election returns mula sa lalawigan ng Iloilo.
Sinabi ni Concepcion na matapos nilang rebisahin ang natanggap na election returns, nakatawag ng pansin ang botong nakalap ni reelectionist Congressman Raul Gonzales ng People Power Coalition (PPC) sa bayan ng Arevalo partikular sa naging bilangan ng Precint No.1066-A kung saan ang tally sheet ay marami ang naging boto nito pero sa certificate of votes ay nakatala ang "zero" votes.
Gayundin sa bayan ng Estacia sa nabanggit pa ring lalawigan, si PPC senatorial bet Liwayway Vinzons-Chato ay nakakuha ng 1,539 boto pero ang nakatala lamang ay 1,488 votes.
Hindi rin pinaligtas ng naturang dagdag-bawas si independent senatorial candidate Homobono Adaza na may 182 boto, gayong ang nakasulat ay 166 lamang.
Pinabulaanan naman ng Malakanyang ang ulat na pinagtatawagan umano ni Pangulong Arroyo ang mga political leaders sa Mindanao para baguhin ang resulta ng halalan at tiyakin ang panalo ng mga kandidato ng PPC.
Pinasinungalingan din ni Defense Secretary Angelo Reyes ang akusasyon na ginagamit ng administrasyon ang militar sa pagsasagawa ng malawakang pandaraya sa halalan partikular sa rehiyon ng Mindanao.
Ipinag-utos na ni DILG Secretary Joey Lina ang pag-iimbestiga kay Assistant Sec. Benito Catindig na tinukoy na kabilang sa dagdag-bawas ng Puwersa ng Masa sa Mindanao. (Mga ulat nina Lordeth Bonilla/Malou Rongalerios/Lilia Tolentino/Ely Saludar/Rudy Andal at Joy Cantos)