Uuwi ngayong umaga ang Pangulo sa kanyang lalawigan sa Lubao, Pampanga upang doon bumoto kung saan ay ang isa sa mga kandidato ay ang kanyang anak na si Mikey bilang Bise Gobernador.
Boboto ang Pangulo sa East Central School sa Precint 1-A sa San Nicholas, Lubao, Pampanga.
Kasabay nito, muling nanawagan si Pangulong Arroyo sa sambayanan na gamitin ang konsensiya sa gagawing pagboto at maging matalino sa pagpili ng mga pulitiko na may lehitimong plataporma at programa para sa taumbayan.
Iginiit ng Pangulo na ang mga Filipino ay nais na bumoto dahil sa paniniwalang ang eleksiyon ang daan para makamit ang pagbabago sa bansa.
Naniniwala rin ang Pangulo na ang eleksiyon ay magsisilbing daan para sa pagkaka-isa upang mapagtuunan ng pansin ang tunay na kalaban partikular ang kahirapan.
Ipinaliwanag pa ni Pangulong Arroyo na kung ang kanyang sinundang pangulo ay nakilalang matulungin sa mahihirap sa pamamagitan ng mga ginampanang papel sa pelikula, siya naman ay maunawain, handang makinig at umaksiyon sa pangangailangan ng sambayanan. (Ulat ni Ely Saludar)