INC pinaatras sa pro-Erap rally

Inatasan ng liderato ng Iglesia ni Cristo ang mga miyembro nito na itigil na ang pagdalo sa rally ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Joseph Estrada sa EDSA Shrine dahil naramdaman nilang walang mangyayari.

Sinabi ng mapapanaligang mga impormante sa INC na napagsabihan sila ng kanilang mga ministro na magiging panghuli nila ang pagsama nila sa naturang rally noong Linggo ng gabi.

"Wala naman daw nangyayari sa mga rallies. Pinapagod lang daw kami," sabi ng impormante na apat na gabing dumalo sa rally sa EDSA Shrine.

Ilang miyembro ng INC na residente ng Sampaloc, Manila ang nagsabing, sa unang araw ng rally, inobliga sila ng kanilang mga ministro na magtungo sa EDSA Shrine. Isang dating kongresista sa lunsod ang nagbigay sa kanila ng rasyong pagkain na binubuo lang ng mga sandwich at mineral water.

Sinabi pa niya na hindi sila binayaran pero dumalo lang sila sa rally dahil sumusunod sila sa liderato ng INC.

Natuwa naman ang mga miyembro ng INC sa utos ng lider nilang si Executive Minister Erano Manalo dahil naniniwala silang talagang nagkasala si Estrada sa mga kasong iniharap laban dito.

Inihayag ni Manalo sa pulong niya kay Justice Secretary Hernando Perez kahapon ng tanghali na walang intensyon ang INC na pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Perez na ikinalugod ni Manalo na kumikilos ang pamahalaang Arroyo para malunasan ang mga isyung pinuna ng lider ng INC.

Kinumpirma rin ng Pangulo sa pulong-balitaan sa Malacañang na nakipagpulong din siya kay Bro. Mike Velarde na lider ng El Shaddai na ang maraming miyembro ay nagtutungo rin sa EDSA Shrine.

Tumanggi ang Pangulo na ihayag ang napag-usapan nila ni Velarde dahil confidential umano ito. (Ulat nina Nestor Etolle at Lilia Tolentino)

Show comments