Tinutukoy ng Pangulo ang akusasyon ng kampo ni Estrada na hinarang ng mga tauhan ng Aviation Security Command sa domestic airport sina San Juan Mayor Jinggoy Estrada at dating Unang Ginang Dr. Loi Ejercito habang pasakay ang mga ito sa isang eroplano patungo sa General Santos City.
Sinasabi sa ulat na ikinagalit ni Jinggoy ang pagrekisa ng mga tauhan ng paliparan sa kanilang mga bagahe.
Sinabi naman ng Pangulo na walang masama sa pagbubukas ng bagahe ng isang pasahero ng eroplano dahil normal itong ginagawa sa paliparan. Sa katunayan, ayon sa Pangulo, binuksan din ng mga security personnel ng Ninoy Aquino International Airport ang bag ng anak niyang si Luli nang magtungo ito sa Spain kamakalawa ng gabi.
Idiniin ng Pangulo na hindi nila itinuturing na pangha-harass ang nangyari sa kanyang anak dahil normal itong gawain sa paliparan para sa seguridad nito.
Ayon din kay ASC Chief Supt. Marcelo Ele Jr., matagal na nilang ginagawa ang pagrekisa sa mga bagahe ng mga pasahero para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng sasakay sa eroplano.
"Ito ang gusto ng International Civil Aviation Organization at ng Federal Aviation Administration kaya wala tayong magagawa rito," sabi pa ni Ele.
Ipinalalagay naman ni Bohol Congressman Ernesto Herrera na masyado lang nawili si Jinggoy sa espesyal na trato na tinatanggap nito noong nasa puwesto pa ang ama nito. (Ulat nina Ely Saludar, Butch Quejada at Marilou Rongalerios)