Bandang alas-2:15 ng hapon nang ipinalabas ng fourth division na pinamumunuan ni Associate Justice Narciso Nario ang dalawang arrest warrant kaugnay ng tig-isang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Perjury na isinampa ng Ombudsman laban kay Estrada. Sinabi ni Sandiganbayan Sheriff Ed Urieta na kailangang maglagak si Estrada ng P30,000 piyansa para sa kasong graft at P10,000 para sa perjury para makalaya ito pansamantala.
May kaugnayan ang naturang kasong graft sa pagdispalko sa P130 milyong excise tax para sa tabako.
Bukod kay Estrada, inisyuhan din ng arrest warrant si dating Unang Ginang Luisa "Loi" Ejercito-Estrada, anak nilang si Jinggoy, dating Pagcor consultant Charlie "Atong" Ang, Eleuterio Tan, Alma Alfaro at Delia Rajas. Habang isinusulat ito, naglagak na ng piyansa sa Sandiganbayan kahapon ng hapon sina Estrada, Loi at Jinggoy.
Sinabi naman ni Justice Secretary Hernando Perez sa isang pulong-balitaan na inaasahan nilang ipapalabas ng third division ng Sandiganbayan bukas ang isa pang arrest warrant kaugnay naman ng kasong plunder laban kay Estrada.
Sa plunder, hindi puwedeng magpiyansa si Estrada dahil lubhang mabigat ang naturang kaso.
Nagkakaisa namang inihayag ng mga kandidato ng People Power Coalition na ang pagpapaaresto kay Estrada at ang paglalagak niya ng piyansa ay nangangahulugang buhay na buhay ang demokrasya sa bansa.
Sinabi ni PPC senatorial candidate Franklin Drilon na karapatan ni Estrada ang magpiyansa bagaman batas ang uusig dito. Sinabi ng isa pang kandidatong senador na si Wigberto Tañada na, kung nakuha man ni Estrada na magpiyansa sa dalawang kaso, inaasahang wala na itong kawala sa darating pang mga kaso.
Samantala, nagbabala ang mga tagasuporta ni Estrada na magiging madugo ang kakahinatnan kapag inaresto ang kanilang lider.
Nabatid na, mula pa noong Huwebes, nagsimulang magtipon-tipon sa labas ng bahay ni Estrada sa North Greenhills Subdivision sa San Juan ang kanyang mga tagasuporta para siya pangalagaan at harangin ang mga dadakip sa kanya. Isa sa mga tagasuporta na si Fernando Bonifacio, 38, ng Pateros ang nagsabing nakahanda silang samahan si Estrada sa kulungan kung tuluyan itong maaaresto pero hindi maaaring walang komprontasyong magaganap. (Ulat nina Grace Amargo at Danilo Garcia)