"Matutuloy na ho sa Oslo, Norway. Kaninang-kanina ay nag-usap kami ni (GRP panel Chairman Silvestre) Bello III at kami ay nagkasundo na roon gawin ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan," sabi sa mga mamamahayag ng tagapangulo ng NDF panel na si Luis Jalandoni na narito ngayon sa bansa para dumalo sa Solidarity Conference on Peace sa Abril 18 na inorganisa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Ipinaliwanag ni Jalandoni na napagkasunduan nilang idaos ang pag-uusap sa Norway dahil mayaman ang karanasan nito sa pagiging punong-abala sa mga usapang pangkapayapaan.
Binanggit niya na nagtagumpay sa Norway ang mga usapang pangkapayapaan ng Palestine Liberation Organization at Israel at ng Guatemala at Sri Lanka may ilang taon na ang nakakaraan. Pumayag na umano ang foreign minister ng naturang bansa.
Idiniin din ni Jalandoni na ang pag-uusap sa ibayong-dagat ay kapwa kagustuhan ng GRP at NDF panels at hindi ng kanilang grupo lang.
Samantala, iminungkahi kahapon ni Senador Gregorio Honasan ang kagyat na pagbuo ng ceasefire committee ng pamahalaan at ng NDF.
Pinuna ni Honasan na wala pang mga panuntunan na gagabay sa magkabilang panig para hindi malabag ang tigil-putukan habang isinasagawa ang usapang pangkapayapaan. (Ulat ni Joy Cantos)