Nanawagan kahapon si Las Piñas Congressman Manuel Villar sa pagpapabago sa sistemang automatic promotion sa ilang public elementary school na, rito, aakyat sa susunod na grade ang isang estudyante kahit ano pa ang performance nito para lang matiyak na may makakapasok na bagong estudyante. "Bagaman naiintindihan natin ang kakulangan ng pasilidad sa edukasyon, hindi ito dahilan para maglabas ng mga graduate na hindi hasa," sabi pa ni Villar.
Pinuna ni Villar na napipilitan ang maraming paaralan na ipasa na lamang ang ilang estudyante para may mabuksang slot dahil sa kakulangan ng mga paaralan para mapagkasya ang lumalaking bilang ng mga mag-aaral.
Bago umano ma-promote sa susunod na antas ang mga estudyante, dapat maipasa ang minimum requirements para matiyak na makakatuntong sila sa susunod na antas.
(Ulat ni Marilou Rongalerios)