Ito ang nakumpirma kahapon ng ilang mga opisyal ng militar batay sa mga intelligence report hinggil sa mga dokumento at ibang ebidensyang nakumpiska sa isang hinihinalang kuta ng Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu.
Hinihinala rin na naunang itinago sa naturang kuta ang kasalukuyang bihag ng Abu Sayyaf na si Jeffrey Schilling na isang Amerkano at si Rolando Ullah na isang Pilipinong diving instructor sa Malaysia.
Isang mataas na opisyal na nakabase sa southern command ng Armed Forces of the Philippines na tumangging magpabanggit ng pangalan ang nagsabing wala nang nadatnan ang mga sundalo nang salakayin kamakailan ang naturang kuta maliban sa mga lutuan at ibang kagamitan. "Pero may naiwang mga palatandaan na doon posibleng tinago ng ilang araw ng mga bandido ang mga bihag," wika pa ng opisyal.
Kamakalawa, sinuspinde ng Abu Sayyaf ang pagpugot kay Schilling dahil sa pagmamakaawa ng ina at asawa nito.
"Hindi kami mga duwag. Ginawa namin iyon dahil sa pagmamakaawa ni Mrs. Carol Schilling. Ngayon, binibigyan namin siya ng sapat na panahon para siya mismo ang makipag-usap sa pamahalaan para sa kalayaan ng kanyang anak," sabi ng tagapagsalita ng mga bandido na si Abu Sabaya na sinasabing kamag-anak ng asawa ni Schilling na si Ivy Osani. Nilinaw naman ng Malacañang na walang balak ang Pilipinas na magpatulong sa Estados Unidos para sa kampanya laban sa Abu Sayyaf.
Mariing pinabulaanan ni Defense Secretary Angelo Reyes ang ispekulasyon na nagkasundo ang Maynila at Washington na magtulungan para iligtas si Schilling.
Idiniin pa ni Reyes na panloob na usapin ang problema sa Abu Sayyaf kaya hindi dapat makialam ang ibang bansa. (Ulat nina Joy Cantos at Ely Saludar)