Sa Parañaque RTC, hinatulan ni Judge Raul de Leon ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection ang Intsik na si Li Kam Kim dahil sa pagbebenta ng halos isang kilong shabu sa isang undercover na pulis may dalawang taon na ang nakakaraan.
Pinagmulta rin ng korte si Li ng P2,000,000.
Nabatid na may 994.77 gramo ng shabu na halagang P400,000 ang nakumpiska kay Li makaraang madakip siya ng mga ahente ng Regional Intelligence and Investigation Division ng Police Regional Office-4 sa isang entrapment operation sa Parañaque noong Setyembre 19, 1999.
Nagbebenta umano si Li ng bawal na gamot sa Laguna, Cavite at katimugang bahagi ng Metro Manila.
Natuklasan din ng korte na iligal ang pagpasok at pananatili ni Li sa Pilipinas bagaman nagpapakilala ito bilang isang turista.
Samantala, napatunayan din ng Manila Regional Trial Court na nagkasala ng drug trafficking ang Chinese national na si Willy Yang alyas Alex Yu at Yang Yunghi at residente ng Karuhatan, Valenzuela City.
Nadakip din ng mga ahente ng pulisya at ng National Bureau of Investigation si Yang sa isang buy-bust operation sa T.M. Kalaw, Manila.
Nakuha kay Yang ang 4.480 kilogram na shabu na nagkakahalaga ng P3.6 milyon.
Inatasan din ni Judge Perfecto A.S. Laguio si Yang na magmulta ng P30,000. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Andi Garcia)