Boracay mansion sasamsamin

Napipinto nang kumpiskahin ng pamahalaan ang kontrobersyal na Boracay mansion ni dating Pangulong Joseph Estrada na naunang napaulat na tinirhan umano ng isa sa kanyang mga kalaguyo na si Laarni Enriquez.

Kahapon, inirekomenda ng National Bureau of Investigation sa Ombudsman ang "forfeiture proceeding" laban sa rehistradong may-ari ng Boracay mansion na nasa New Manila, Quezon City.

Sinabi ni NBI Director Reynaldo Wycoco na lumilitaw sa transfer certificate of title no. N-208116 at N-208117 ng Register of Deeds ng Quezon City na ang St. Peter Holdings Corporation na may tanggapan sa Ortigas Center, Pasig City ang tunay na may-ari ng mansion.

Nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ang kumpanya na kabilang sa mga incorporator sina Renato Bello, Menardo Guevarra, Raul Gerodias, Dawn Castro, Mariah Farah Z.G. Nicolas-Suchangco at Jose Luis Yulo na siyang principal chairman.

Ang manager’s check naman na ipinambayad ni Yulo sa mansion ay galing sa account ng isang Jose Velarde sa Equitable-PCI Bank.

Sinabi ni Wycoco na nabuo ang kanilang sapantaha na si Estrada ang may-ari ng mansion dahil sa pahayag ni Equitable-PCI Bank Senior Vice President Clarissa Ocampo sa naudlot na impeachment trial na iisang tao sina Velarde at ang napatalsik na Pangulo.

Nabatid na hawak na ng Ombudsman ang mga ebidensya ng NBI hinggil sa naturang mansion.

Sinabi ni Ombudsman Aniano Desierto na maaaring magamit bilang ebidensya sa naunang mga kasong kriminal laban kay Estrada ang tsekeng ginamit sa pagbili sa mansion. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments