Sa apat na pahinang liham ni Perez kay Comelec Chairman Alfredo Benipayo, sinabi nito na hindi maaaring ipalista ang MAD o "Mamamayan Ayaw sa Droga" bilang party-list dahil kapareho nito ang isang foundation na itinatag ng gobyerno na kumakampanya laban sa droga at hindi maaaring gamitin sa pulitika dahil lilikha lamang umano ng pagkalito sa mamamayan.
Ang MAD party-list ay pinarehistro nina Mr. Manuel Ortigas, bilang pangulo, Richard Gomez, chairperson at Police Deputy Director General Jewel F. Canson sa Comelec para sa darating na eleksyon.
Ipinaliwanag ni Perez na sa ilalim ng American Law na umiiral din sa bansa, nilalabag nila Gomez ang karapatan ng MAD foundation sa pagkakaroon ng esklusibong pangalan ng korporasyon.
Nabatid na ang MAD Foundation ay naitatag noong Disyembre 15, 1999 sa ilalim ng Executive Order no. 61 ng National Drug Law Enforcement and Coordinating Center na binigyan ng pondong P150M na kinuha sa contigency fund ng dating Pangulong Joseph Estrada. (Ulat ni Grace Amargo)