'Di ako susuko' - Manero

Hindi susuko at hindi raw takot mamatay ang kontrobersiyal na puganteng priest killer at Ilaga lider na si Norberto Manero alyas Kumander Bukay.

Ito ang mensaheng ipinaabot sa pamahalaan ni Manero sa "shoot to kill order" na ipinanukala ng ilang kongresista para mapadali ang kanyang pagsuko sa pamamagitan ng kanyang live-in partner na si Julie Yee.

Si Yee na sa unang pagkakataon ay lumabas sa kanyang pinagtataguan matapos tumakas si Manero ay nakipagkita kay Sarangani Province PNP Provincial Director Supt. Cesar Serudo Daquel kamakalawa para ipaabot ang kasagutan ni Manero.

Hinding-hindi umano susuko si Manero hanggat hindi pinagbibigyan ng pansin ng pamahalaan ang kanyang mga naging kahilingan.

Nagpahayag ng sama ng loob si Manero sa pamahalaan dahil ayaw siyang pakinggan gayong hindi umano siya kasing sama tulad ng NPA na binibigyan ng pansin ng pamahalaan sa kasalukuyan.

Sa kasalukuyan ay maraming pulitiko na pumapapel sa gagawing pakikipag-negosasyon ni Manero.Kaya naman pinayuhan si Manero ng kanyang kapatid na si Rafael na huwag basta maniwala sa mga ito.

Sinabi naman ni Senate President Aquilino Pimentel Jr., na may hinala siya na isang dating malapit kay dating Pangulong Fidel Ramos ang umanoy utak sa pagpapatakas kay Manero na hindi naman nito tinukoy.

Magugunita na bago nabigyan ng pardon ni dating Pangulong Joseph Estrada si Manero ay ibinaba muna ni Ramos sa habambuhay na pagkabilanggo ang sentensiya nito sa kasong pagpatay sa Italyanong pari na si Tullio Favali.

Samantala inalerto kahapon ni NCRPO Director Romeo Peña ang buong kapulisan ng Metro Manila makaraang tumanggap ng report na naririto nagtatago si Manero.

Kaya inutos rin ni PNP Chief Leandro Mendoza ang pagbabantay ng 24 oras sa lahat ng paliparan, daungan at terminal ng bus na posibleng daanan ng convicted killer. (Ulat nina Rose Tamayo, Doris Franche at Rudy Andal)

Show comments