Ito ang nabatid mula sa isang impormante na nagsabing, nang patakasin si Manero noong Huwebes ng madaling-araw, nakaabang na ang isang sasakyang pandagat sa dalampasigan ng Abel para ihatid ang kontrobersyal na preso palabas ng Mindanao.
Nakulong si Manero sa Sarangani Provincial Jail dahil sa pagkakasangkot niya sa pagpatay sa isang magkapatid at makaraang bawiin ng nagdaang administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada ang pardon na naunang ipinagkaloob sa kanya. Nasentensyahan din si Manero ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpaslang sa Italyanong pari na si Fr. Tulio Favali.
Hinihinalang ilang maimpluwensya at malalaking pulitiko ang nasa likod ng pagpapatakas kay Manero.
Sinabi ng impormante na maaaring nagtatago na si Manero sa Negros Occidental na kinaroroonan ng ilan nitong mga kamag-anak at Ilongo na pinanggalingan ng maraming miyembro ng dati niyang grupong Ilaga. Malabo anyang sumuko pa nang buhay si Manero dahil matagal na itong dismayado sa takbo ng mga kaso nito.
Ayon naman kay Manuel Sales, assistant Jail warden ng provincial jail, sinampahan na ng kasong administratibo ang mga jailguard na sina Bernard Africa, Gabriel Axalan, Doroteo Pilino at Rizalino Jelaspi na nasuspinde dahil sa pagkakatakas ni Manero. (Ulat ni Rose Tamayo)