Sinasabi ng ilang impormante sa southern Mindanao na isang grupo ng mga pulitikong malapit kay dating Pangulong Joseph Estrada ang maaari umanong may kinalaman sa pagpapatakas kay Manero mula sa kinakukulungan nito sa provincial jail sa Baluntay, Alabel, Sarangani.
Mahirap umanong paniwalaan na kusang tumakas si Manero na sa loob ng halos isang taong pagkakapiit sa naturang kulungan ay tumatanggap ng espesyal na atensyon.
Ilang testigo ang nagsabing inalalayan pa umano ng ilang jailguard ang kotseng minamaneho ng live in partner ni Manero na si Julie nang lumabas ito sa piitan bandang alas-2:30 ng madaling-araw kamakalawa. Nasa compartment umano ng kotse ang kontrobersyal na preso.
Sinabi ng impormante na malamang gagamitin si Manero sa pagsasagawa ng dirty tactics sa pulitika.
Tumanggi ang abogado ni Manero na si Atty. Tom Falgui na magbigay ng komentaryo sa naturang mga akusasyon bagaman sinabi niya na nagpadala na siya ng dalawang emisaryo para kausapin ang kanyang kliyente.
Inamin ni Falgui na dismayado si Manero nang bawiin ng nagdaang administrasyong Estrada ang ipinagkaloob sa kanya na presidential pardon at nang ibalik siya sa Sarangani jail dahil naman sa pagkakasangkot niya sa kasong pagpaslang sa magkapatid na Mamalumpong noong 1977.
Inihayag naman ni Sarangani Governor Priscilla Chiongbian na matagal nang binabalak ni Manero na tumakas bukod sa talagang may katangahan umano ang mga guwardiya sa naturang piitan.
Sinuspinde na rin ni Chiongbian ang mga guwardiyang nakatalaga sa piitan nang makatakas si Manero at ipinaimbestiga ang pagdalaw sa bilangguan ng live in partner nito kahit gabing-gabi na.
Inutos din ng Department of Justice sa National Bureau of Investigation na siyasatin ang pagkakatakas ni Manero.
Samantala, inatasan ni Philippine National Police Chief Deputy Director General Leandro Mendoza ang mga regional director at mobile group ng PNP na tugisin at arestuhin si Manero.
Ipinasisiyasat ni Interior and Local Government Secretary Joey Lina ang mga jailguard na sina Gabriel Axalan, Doroteo Pelino Jr., at Bernard Africa para matukoy kung may kinalaman ang mga ito sa pagkakatakas ng naturang preso. (Ulat nina Rose Tamayo, Grace Amargo, Joy Cantos, Teng Garcia at Rudy Andal)