Kandidatong mayor, 6 pa inaresto

Isang kandidatong mayor sa Sulat, Eastern Samar at anim nitong kasamahan na sangkot sa pagkidnap sa isang negosyante ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa Quezon City kamakalawa.

Kinilala ni PNP-CIDG Director C/Supt. Nestorio Gualberto sa isang pulong-balitaan kahapon ang kandidato na si Javier Zacate, 39, na isa ring dating alkalde ng Sulat.

Nadakip din ang mga kasabwat ni Zacate na sina Michael Tuquero, 32; Wilmar Agbon, 25; John Zacate, 27; Roberto Evardone, 34; Ricky Ocale, 31; at Christopher Balena.

Sinabi ni Gualberto na sangkot ang mga suspek sa pagdukot noong Marso 8 sa negosyanteng Filipino-Chinese na may-ari ng isang malaking hardware store sa Antipolo City na si Pen Chang Tan.

Sinabi ng pulisya na nakikipagtulungan umano si Zacate sa mga rebeldeng New People’s Army sa kanyang lugar. Mga miyembro naman ng Waray-Ilonggo kidnap-for-ransom syndicate ang anim pang mga suspek.

Pinakawalan ng mga suspek si Tan makaraang makapagbayad ng P8 milyong ransom ang pamilya ng biktima. Ginamit umano ang naturang halaga sa kandidatura ni Zacate. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments