Si Air Force Deputy Chief Maj. Gen. Adelberto Yap ay pinili ang maaagang pagreretiro nitong Marso 15 o limang buwan bago sumapit ang opisyal niyang pagreretiro sa serbisyo na nakatakda sa Agosto 15.
Nauna nang nagbabala si Senador Rodolfo Biazon na, kung hahaluan ng pulitika ang pagtatalaga at pagtatanggal ng mga opisyal ng AFP, malamang magkaroon ng demoralisasyon sa ng militar. Nagpasya rin si AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Jose Calimlim na magretiro nang maaga bago sumapit ang Nobyembre 29, 2001 na naunang itinakdang opisyal na pamamaalam niya sa serbisyo.
Sinabi ni Calimlim sa isang panayam na nais niyang bigyan ng pagkakataon ang mga mas batang opisyal na umunlad at para malayang makapag-organisa sa militar ang bagong hepe ng AFP na si Gen. Diomedio Villanueva na kanyang mistah.
Taliwas sa naunang napaulat na magreretiro si Calimlim bunga ng pagkakabulgar sa kontrobersyal na multi-milyong anomalya sa AFP, nakiusap si Calimlim na huwag idawit ang kanyang pangalan dahil wala naman siyang kinalaman dito.
Idiniin ni Calimlim na hindi siya maaaring masangkot sa kontrobersya dahil siya mismo ang pinuno ng Office of the Ethical Standars and Public Accountability sa kapasidad niya bilang vice chief of staff ng AFP.
Nauna nang nagdesisyong lumisan sa serbisyo nang maaga ang kontrobersyal na si Marines Lt. Gen. Eduardo Espinosa na unang mataas na opisyal ng militar na kumalas ng suporta sa pinatalsik na si dating Pangulong Joseph Estrada. "Magulo, maraming intriga. Sinuman ay sinisira," sabi ng isang mataas na opisyal ng militar na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Sinasabi naman ng mga tagasuporta ni Espinosa na babakantihin nito ang pagiging three-star rank general para umangat ang ranggo ng bagong talagang hepe ng Navy na si Rear Admiral Victorino Hingco.
Nabatid na tinanggap ni Yap ang alok ng Malacanang na manungkulan siya bilang assistant secretary ng Department of Transportation and Communications at pinuno ng Air Transportation Office.
Takda ring manungkulan sa araw na ito sa ATO si Yap. (Ulat ni Joy Cantos)