Posibleng nakunan umano ng video si Feliciano at ang mga tao na nasa paligid niya habang nasa loob siya ng naturang shopping mall bago siya dinukot at pinagsamantalahan ng mga suspek noong gabi ng Marso 10. Maaari umanong tumugma sa cartographic sketch ng mga suspek ang mukha ng sinumang nasa paligid ni Feliciano nang gabing iyon.
Hinihinala ng pulisya na matagal nang minamanmanan ng mga suspek ang dalaga bago nila isinagawa ang krimen. Samantala, pinaniniwalaang malapit nang malutas ang naturang kaso matapos matukoy ng pulisya ang mga suspek.
"Anumang araw mula ngayon ay madadakip na ang mga gumahasa at pumatay kay Feliciano. Nabatid namin na mula sila sa mayayamang angkan," sabi ni Supt. Rodrigo de Gracia, tagapagsalita ng Philippine National Police.
Sinabi pa ni de Gracia na nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Bureau of Immigration para mapigilang makalabas ng bansa ang apat na suspek. Matatandaang noong Marso 10, nawala ang 21-anyos na si Feliciano makaraang mamasyal sa Ayala-Alabang Town Center. Natagpuan kinabukasan ang hubot hubad na bangkay ng dalaga sa isang creek sa Parañaque. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Joy Cantos)