Iniharap kahapon sa pulong-balitaan nina Acting PNP Chief Director Leandro Mendoza at PNP-CIDG Director,Chief Supt.Nestorio Gualberto sa mga mamamahayag ang isa sa tatlong naarestong suspek.
Ang mga ito ay nakilalang sina Ronald Domalina,18, habang ang dalawa ay sina Raymund Testado, 23, Adviser ng Samahang Ilocano Fraternity at itinuturong utak ng grupo at Bong Sison, 21, at nasa kostudya ng Baguio PNP.
Ang mga nahuling suspek at dalawa pa nitong kasama na tinutugis ng mga awtoridad ay positibong itinuro ng mga saksing sina Job Calano, Christopher Ferrer at Jonathan Nabiten na responsable sa pagdukot at pagpatay sa magkaibigang Giancarlo Leung at Tihani Tingal na dinukot noong Marso 8 sa Laubach Road, Baguio City.
Magugunita na humingi ng P2M ransom ang mga suspek sa pamilya ni Leung na nakatakda namang ibigay ng ina ng biktima sa itinakdang pay-off sa kahabaan ng Urdaneta at Villasis, Pangasinan national highway ngunit pinatay ang mga biktima bago itinapon sa magkahiwalay na lugar sa San Simon at Mexico, Pampanga noong nakalipas na Marso 11.
Nauna nang napaulat na nagbigay ng P 1M ransom ang mga magulang ni Leung sa mga suspek subalit mahigit na P.1M lang umano ang nakarating sa mga ito na labis na ikinairitta kaya pinatay ang dalawang biktima.
Ayon sa pahayag ng saksing si Calano sa mga tauhan ng 14th Regional CIDG na inatasan siya ng grupo ni Testado na manmanan ang mga lugar na pinupuntahan ni Leung na nagawa naman niya ng ilang beses.
Ngunit ng isasama na siya sa pagplano ng pagpatay ay tumanggi ito dahil hindi kaya ng kanyang konsensiya na gawin ito.
Nag-ugat umano ang alitan sa pagitan nina Testado at Leung na miyembro naman ng Beta Sigma Fraternity nang maltratuhin ng huli ang isa sa mga babae na miyembro ng fraternity ng una.
Ang pagmamaltrato umano ni Leung sa babae na miyembro ng fraternity ni Testado ay ang pagpaso ng sigarilyo sa ibat-ibang bahagi ng katawan pati na ang ari nito.
Hinalay pa umano ni Leung ang nasabing babae kaya ganoon na lamang ang matinding paghihiganti ng Samahang Ilocano Fraternity.
Unang naaresto ng mga tauhan ni Gualberto si Domalina noong Marso 16 dakong ala 1:00 ng hapon at ipinagharap na ng kasong kidnapping aggravated by murder sa Municipal Trial Court ng Villasis, Pangasinan.
Habang sina Testado at Sison ay nasa pangangalaga ni Police Regional Office-Cordillera Autonomous Region(PRO-CAR) P/Sr. Supt. Arturo Lomibao na naaresto matapos ang isinagawang surveillance operations sa mga tahanan nito sa Milton House, Baguio City. Maliban sa unang kasong isinampa sa mga suspek sasampahan din ito ng paglabag sa PD 1866 o illegal possession of firearms and ammunition matapos makumpiskahan ng mga bala at armas. (Ulat ni Joy Cantos)