Ito ang nabatid kahapon kay Parañaque Police Chief Supt. Ronald Estilles makaraang makatanggap siya ng impormasyon na handa nang sumuko sa pulisya ang isa sa mga salarin.
Sinasabi umano ng naturang suspek na labis siyang binabagabag ng kanyang kunsiyensiya sa ginawa nilang krimen.
Nasa impluwensiya umano ng bawal na gamot ang mga suspek nang pagsamantalahan at patayin nila si Feliciano noong Marso 10.
Sa isa namang pulong-balitaan kahapon, kinumpirma ng National Bureau of Investigation na mga miyembro ng mayayamang pamilya sa Ayala-Alabang at mahihilig sa nightlife ang mga suspek. May lead na rin ang NBI sa kanilang kinaroroonan.
Sinasabi pa sa impormasyong nakalap ng NBI na hindi kasapi ng anumang sindikato sa Metro Manila ang mga suspek kundi nag-trip lang sa kanilang ginagawa na, rito, nakainom sila at lango sa droga nang isagawa ang pagkidnap at pagpatay kay Feliciano.
Hinihinala ng NBI na babae ang isa sa mga suspek dahil sa stocking na ipinanggapos sa kamay ni Feliciano nang matagpuan itong patay at hubot hubad sa isang creek sa Parañaque.
Lumitaw din sa autopsy report na ang naturang stocking din ang ginamit sa pagsakal sa dalaga.
Nabatid sa ina ni Feliciano na si Carmelita Villasis na hindi nagsusuot ng stocking ang kanyang anak. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Ellen Fernando)