Sinabi ng Pangulo sa isang pulong-balitaan na nakahanda siyang magpatawag ng special session ng Kongreso kung kinakailangan para mabalangkas ng mga mambabatas ang posibleng solusyon sa problema sa rehistrasyon ng mga kabataan.
Ibinasura rin ng Pangulo ang panukala ng Commission on Elections na ipagpaliban ang halalan kung magkakaroon ng panibagong rehistrasyon sa bagong botante.
Nilinaw ng Pangulo na kailangang humanap na lang ng ibang paraan para maidaos ang special registration.
"Hindi yan katanggap-tanggap (pagpapaliban sa halalan). Dapat magpatuloy ang eleksyon na nakatakda sa Mayo," idineklara pa ng Punong Ehekutibo.
Nanawagan din siya sa lahat ng sektor na tumulong sa paglutas sa problema sa rehistrasyon dahil karapatan ito ng mga kabataan.
Samantala, iminungkahi kahapon ni Laguna Congressman Danton Bueser ang pagdaraos ng special session ng Kongreso para maamyendahan ang Voters Registration Act of 1996 para makaboto sa halalan sa Mayo 14 ang may 4.2 milyong kabataang hindi nakahabol sa huling araw ng rehistrasyon na itinakda ng Comelec.
Sinabi ni Bueser na may tsansa pa ang naturang mga kabataan kung papayag si Arroyo na magdaos ng special session ang Kongreso para matalakay ang panibaging rehistrasyon para sa mga bagong botante.
Nabatid na 282,482 bagong botante lang ang nakapagparehistro noong Disyembre 2000 na huling taning ng Comelec.
Ayon kay youth spokesperson Raymond Palatino ng Bayan Muna party-list group, iresponsable ang pahayag ni Comelec Chairman Alfredo Benipayo na malamang masuspinde ang halalan kapag iginiit ang bagong rehistrasyon.
Sinisi ni Palatino ang kabiguan ng Comelec na makapagpakalat ng impormasyon hinggil sa rehistrasyon na naging dahilan para hindi makapagpatala ang maraming kabataan.
Nakiisa sa pananaw ni Palatino ang isang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na nagsabing, kung gugustuhin ng Comelec, makakapagdaraos pa rin ito ng rehistrasyon alinsunod na rin sa election code. (Ulat nina Ely Saludar, Marilou Rongalerios, Sandy Araneta, at Jhay Mejias)